NCR at 20 provinces, isasailalim sa GCQ w/ Heightened Restrictions mula Aug 1-15

by Erika Endraca | July 29, 2021 (Thursday) | 3944

METRO MANILA – Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter Agency Task Force on COVID-19 na bagong quarantine classifications ng bansa.

General Community Quarantine (GCQ) with heightened restrictions ang ipatutupad mula August 1-15 sa National Capital Region, Ilocos Sur ,Cagayan, Bulacan ,Laguna, Lucena City, Cavite, Rizal ,Naga City , Antique , Aklan, Bacolod City, Capiz, Negros Oriental, Zamboanga Del Sur, Misamis Oriental, Davao City, Davao Del Norte, Davao De Oro, Davao Occidental at Butuan City.

Patuloy na binabantayan ng Department Of Health (DOH) ang mga kaso sa Metro Manila.

“Nagsisimula na tayong makakita ng pagtaas ng kaso at health care utilization rate ngayong may local transmission ng Delta variant” ani Sec. Francisco Duque III.

Enhanced Community Quarantine (ECQ) naman ang ipatutupad mula August 1-7 sa Iloilo City, Iloilo Province, Cagayan De Oro City at Gingoog City

Modified ECQ mula August 1-15 sa Ilocos Norte, Bataan, Lapu-Lapu City at Mandaue City.

Regular na GCQ naman ang ipatutupad sa buong buwan ng Agosto sa Baguio City ,Apayao, City of Santiago, Isabela, Nueva Vizcaya,Quirino, Quezon,Batangas, Puerto Princesa , Guimaras,Negros Occidental, Zamboanga Sibugay, City of Zamboanga,Zamboanga Del Norte, Davao Oriental, Davao Del Sur ,General Santos City, Sultan Kudarat,Sarangani, North Cotabato, South Cotabato,Agusan Del Norte, Surigao Del Norte, Agusan Del Sur, Dinagat Islands , Surigao Del Sur at Cotabato City.

Ang mga nalalabing lugar sa bansa ay isasailalim sa Modified GCQ sa buong buwan ng Agosto.

Muli naman pinaalalahanan ni Pangulong Duterte ang mga wala pa ring bakuna kontra COVID-19 sa gitna ng banta ng Delta variant.

“Itong ayaw magpabakuna sinasabi ko sa inyo huwag kayong luimabas ng bahay kasi kapag lumabas kayo ng bahay, sabihin ko sa mga pulis ibalik ka duon sa bahay niyo, you will be escorted back to your house because you are walking spreader”ani Pres. Rodrigo Duterte.

Kung tutuusin ayon sa Pangulo, trabaho ng mga barangay captain na tignan kung sino ang mga wala pang mga bakuna sa kaniyang lugar.

“Trabaho talaga ng barangay captain yan to go around to see who are vaccinated and who are not and to give appropriate warning that they should not be going around because they are throwing viruses left and right” ani Pres. Rodrigo Duterte.

Iniulat naman ng Food and Drug Administration kay Pangulong Duterte na kahit papaano ay may bisa ang mga aprubadong bakuna sa Pilipinas kontra Delta variant.

“Makikita po na ang lahat naman ng bakuna ay useful pa rin po against the Delta variant, bagamat may kaunting pagkababa ng efficacy nagdi decrease ng 15 to 20 %, but since ang baseline naman po natin ay 70-95% ay mataas pa rin naman po ang laban sa Delta variant basta nabakunahan tayo ng approve, ” ani Food & Drug Administration Usec Eric Domingo.

Hinihintay na lamang ng FDA ang datos ng Sputnik V at Sinopharm vaccines ukol sa bisa nito kontra sa mas nakakahawang COVID 19-Delta variant.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: ,