NBN-ZTE deal whistleblower Jun Lozada, hinatulang guilty sa kasong graft

by Radyo La Verdad | August 24, 2016 (Wednesday) | 1480

LOZADA
Anim hanggang sampung taon at isang araw na pagkakakulong ang ipinataw na parusa ng anti-graft court kay NBN-ZTE deal whistle blower engineer Rodolfo Noel “Jun” Lozada at kanyang kapatid na si Jose Orlando matapos mapatunayang nagkasala sa paglabag sa Section 3-E ng Anti-Graft Law.

Nag-ugat ang kaso ng i-award ni Lozada ang leasehold right ng mahigit anim na libong ektaryang public land sa kanyang kapatid at sa isang pribadong kompanyang konektado rin sa kanya nang hindi dumadaan sa tamang proseso.

Bunsod nito, inakusahan ng Ombudsman si Lozada ng conflict of interest at partiality dahil siya pa ang presidente at chief executive officer ng Philforest, isang government-owned and -controlled corporation sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources.

Samantala, pinawalang sala naman ng korte si Lozada sa Section 3-h ng Anti Graft Law o pagkakaroon ng financial interest sa transaksyon.

Sa kabila nito, labis ang pagkadismaya ni Lozada sa kinalabasan ng kaso.

Idinagdag pa nito na hindi rin magandang palatandaan ang paglaya ni dating Pangulong Gloria Arroyo at pagkakaroon muli nito ng mataas na posisyon sa mababang kapulungan ng kongreso.

Si Lozada ang nagbunyag ng umano’y anomalya sa 329 million peso national broadband network deal na pinasok ng Arroyo administration noong 2007.

(Mon Jocson/UNTV Radio)

Tags: