NBI at Prosecution, iginiit na dapat sampahan ng murder ang mga pulis na sangkot sa pagpatay kay Albuera Mayor Espinosa

by Radyo La Verdad | July 27, 2017 (Thursday) | 1212


Muling binuksan ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang imbestigasyon tungkol sa kaso ng pagpaslang kay Albuera Mayor Rolando Espinosa Senior at inmate na si Raul Yap noong November 5 sa Baybay Provincial Jail.

Sentro ng imbestigasyon kahapon ng senado ang inilabas na resolusyon ng DOJ kung saan ibinababa sa homicide mula sa murder ang reklamo laban sa mga pulis na sangkot sa pamamaslang.

Nanindigan naman sa kanilang desisyon ang prosecution panel na nag-imbestiga at nagrekomenda sa doj ng murder charges laban sa mga pulis. Maging ang NBI ay hindi pabor sa DOJ resolution na ito na inaprubahan ni Undersecretary Reynante Orceo.

Sagot ni USEC Arceo, hindi sapat ang mga ebidensyang ipinakita upang masabing premeditated o planado ang pagpatay kay Espinosa. Kinuwestyon naman ng mga senador ang karapatan ng isang DOJ Undersecretary na magreview ng kaso kung saan ito ay kapangyarihan lamang ng isang secretary.

Kung saan base naman sa inilabas na Department Circular ng DOJ, ang sakop lamang na review ng petisyon ng mga USEC ay mula July 2016 hanggang December 31,2016.

Muling ipagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang Espinosa Slay Case at ipapatawag sa pagdinig si doj secretary Vitaliano Aguirre.

(Nel Maribojoc / UNTV Correspondent)

Tags: ,