METRO MANILA – Nagtungo sa General Santos City nitong weekend ang forensic team ng National Bureau of Investigation (NBI).
Nagsagawa ito ng sariling examination o re-autopsy sa katawan ni Chiristine Dacera bago inilibing.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, nais ng NBI na tapusin o kumpletuhin ang forensic test o examination nito bago ilabas ang resulta ng re-autopsy sa katawan ng biktima.
Dagdag pa ng kalihim, inatasan nya ang NBI na magsagawa ng sariling imbestigasyon sa krimen upang mas mapadali ang ginagawang case-build up.
Sampung araw ang ibinigay ng DOJ para magsumite ng report ang NBI sa kanilang isinasagawang imbestigasyon.
Samantala, una na ring sinabi ng National Prosecution Service ng DOJ na kaya sila nagtakda ng preliminary investigation sa kaso ay upang bigyan daan ang lahat ng parallel investigation at makapagsumite na supporting evidences partikular na ang PNP.
“Kinonvert namin yan sa full blown preliminary investigation para mabigyan ng pagkakataon ang PNP, and other law enforcement agencies para maghain ng addtitional evidence kung anong mayroon sila.”ani NPS-DOJ Prosecutor General Atty. Benedicto Malcontento.
Sa Miyerkules nakatakda ang preliminary investigation sa kaso ni Dacera sa Makati Prosecutor’s Office.
(Dante Amento | UNTV News)