Naval at Air Assets ng Eastern Mindanao Command, ipinag-utos na gamitin upang habulin ang mga responsable sa pagdukot ng 3 banyaga at isang pilipino sa Samal Island

by Radyo La Verdad | September 23, 2015 (Wednesday) | 1082

AFP
Ginagamit na ng mga militar ang mga Naval at Air Asset para sa pursuit operation sa mga dumukot sa isang Norwegian, dalawang Canadian at isang Filipina sa Ocean View Resort, Samal Island, Davao del Norte nitong lunes ng gabi.

“Race against time”- ito ang turing ngayon ng AFP sa ginagawang paghabol ng mga otoridad sa mga kidnapper

Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Noel Detoyato, mas mahihirapang habulin ng mga tauhan ng pulisya at militar ang mga suspek kung makakarating na ang mga ito sa lugar na pamilyar sila.

Dalawang motorized banca ang natagpuan sa Tibanban, Governor Generoso, Davao Oriental kahapon ng umaga.

Ito rin ang pinaniniwalaan ng mga otoridad na ginamit ng mga suspek sa pagtakas.

Sa ngayon, tinututukan ng mga tropa ng militar ang Eastern Mindanao Seaboard.

Base sa ulat ng AFP, Davao Oriental, Saranggani at dulong bahagi ng Zamboanga patungo sa Basilan Area ang direksyong tinatahak ng mga kidnapper.

Dagdag pa nito, bagaman hindi pa masabi kung Abu Sayyaf ang nasa likod ng kidnapping, modus operandi na ng teroristang grupo ang gumamit ng ibang local groups at sa kalaunan ay iti-turnover na sa kanila. (Rosalie Coz / UNTV News )

Tags: