METRO MANILA – Hinimok ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang mga lokal na pamahalaan nitong June 17 na ipagpatuloy ang pagpapatupad ng Nationwide Road Clearing Operations at ang kampanyang nagbabawal sa mga sasakyang tricycle sa national highways upang matiyak ang kaligtasan ng mga bata kaalinsabay sa pagbabalik ng face-to-face classes sa mga paaralan.
Ani ni DILG Secretary Año, hindi puwedeng ningas-kugon at kinakailangang ipagpatuloy ng LGU ang road clearing operations at ‘no trike on national highway’ campaign upang maprotektahan ang mga bata mula sa mga aksidente sa kalsada, lalo at nalalapit na ang pagsisimula ng face-to-face classes.
Sa 41,365 barangay na sakop ng road clearing operation (RCO) initiative, 95.53% o 38,690 na barangay ang patuloy na nag-aalis ng mga “obstruction” o sagabal sa mga lansangan batay sa pinakahuling datos na naisumite noong May 6, 2022.
Inatasan rin ng kalihim ang LGUs at PNP na tiyakin na walang tricycle at pedicab sa national highways maliban na lamang kung pahintulutan ito ng ordinansa sa kawalan ng alternate routes.
Dagdag pa ng kalihim na ang bawa’t lungsod at munisipalidad ay dapat magkaroon ng aktibong Tricycle Task Force na hiwalay naman sa Tricycle Regulatory Boards upang bumalangkas o magsuri ng tricycle route plan.
Dahil kadalasang tricycle ang sinasakyan ng mga bata sa pagpasok sa eskuwela, sinabi ng kalihim na mahalagag tiyakin ng mga LGU na ligtas ang daan at sumusunod ang mga drayber sa mga limitasyon nila.
Hinikayat din ni Secretary Año ang mga bagong halal na opisyal na maisama nila sa kanilang prayoridad ang mga programa o ipagpatuloy ang umiiral na road safety initiatives na magbibigay proteksyon sa mga bata mula sa road accidents.
(Edmund Engo | La Verdad Correspondent)