National Privacy Commission, nagbabala sa publiko sa paggamit ng online lending apps

by Radyo La Verdad | May 22, 2019 (Wednesday) | 2468

METRO MANILA, Philippines – Nagbabala ang National Privacy Commission sa lahat ng mga gumagamit ng online lending apps.

Ayon sa NPC, 485 na reklamo na ang natanggap nila laban sa 48 online lending apps dahil sa umanoy harassment na natatanggap ng mga user mula sa mga ito.

Ayon kay NPC Commissioner Raymund Liboro ang mga harassment ay sa pamamagitan ng panghihiya sa mga user kapag hindi agad nakakabayad sa tamang oras. Tinatawagan at tine-text ang mga nangutang na umanoy nagdudulot ng kahihiyan at emotional stress sa mga ito.

“Matapos po nilang mag avail ng serbisyo ng mga online lending companies na ito at nung minsang hindi sila makapag bayad ay nagulat na lamang sila na nakatanggap ng mga nakakapanirang allegedly text doon sa contact list nila tila baga para mapilitan silang magbayad o tupdin ang obligasyong magbayad ay pinaalam sa mga kaibigan na nasa contact list nila na itong taong ito ay hindi nakapagbayad ng utang niya,” ani NPC Commissioner Raymund Liboro.

Sa mga messages na natanggap ng NPC mula sa mga nag rereklamo, sinasabi ng mga ito na na-hack umano ang mga contacts sa kanilang cellphone. Ayon sa isang message ipinapahiya sila ng lending institution sa kanilang mga kakilala at maging kapamilya. May ilan pa na sinabihang ipapa huli sila sa pulis dahil sa delayed na pagbabayad ng utang.

Matindi naman ang emotional stress na naidulot ng harassment na ginagawa ng ilang online lending companies, dahil mayroon pa na muntik ng magpakamatay.

Nagpakita rin ang NPC ng halimbawa ng pananakot ng mga lending app na nagsasabing ipapahiya nito ang borrower at sisingilin ang kompanyang pinagtatrabahuan nito.

Ang payo ng NPC sa mga gagamit ng online lending app, basahin mabuti ang privacy notice bago ito gamitin. Karamihan sa mga mobile apps ay humihingi muna ng permiso na maka access sa lahat ng contacts at iba pang impormasyon bago payagan na magamit ang app. Kabilang dito ang mahahalagang impormasyon at function ng inyong telepono gaya ng camera, picture gallery, contacts at location.

“Hindi mo maaaring gawing kabayaran ang personal data para maka avail ng mga serbisyo,” ayon kay NPC Commissioner Raymund Liboro.

Nagsasagawa na ng hearing ang NPC sa reklamo ng mga user ng mobile lending apps. Iimbistigahan ng NPC ang mga reklamo at kung mapatunayang may paglabag ay ipapasa nila ang kaso sa Department of Justice.

Ikinatuwa naman kahit papaano ng NPC ang mataas na bilang ng reklamo dahil senyales daw ito ng tumataas na kamalayan ng mga Pilipino sa paggamit ng teknolohiya. Subalit ikinababahala rin ito ng komisyon dahil sa nasasapanganib ang privacy ng mga mobile users.

Natuklasan din ng NPC na walang kaukulang permit ang mga online lending apps mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas at sa Department of Trade and Industry.

(Mon Jocson | UNTV News)

Tags: ,