METRO MANILA – Magbabahay-bahay na simula ngayong araw (Oct. 12) ang mga tauhan ng Philippine Statistics Authority (PSA) para sa registration ng Philippine Identification System (Philsys) na mas kilala bilang national id.
Target ng pamahalaan na mairehistro ang siyam na milyong mahihirap na head of the family bago matapos ang taon
Batay sa tala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), magmumula ang mga ito sa 664 na lungsod at munisipalidad.
Kabilang sa mga layunin ng pagkakaroon ng national id ay ang pagpapabilis sa pamamahagi ng ayuda ng pamahalaan sa mga mahihirap na pamilya.
Tiniyak ni National Statistician and Civil Registrar General, Undersecretary Dennis Mapa na mahigpit na ipatutupad ang health and safety protocols para sa kaligtasan ng mga magpaparehistro at registration officers laban sa banta ng COVID-19.
“The Philsys registration team will also be regularly checked for any COVID-19 related symptoms which would be reported immediately to their supervisors for immediate action.” ani PSA National Statistician And Civil Registrar General, Usec. Dennis Mapa.
Upang mabigyan ng kaukulang panahon ang mga magpaparehistro, bubuksan ang mga registration centers sa mga kaukulang munisipalidad at lungsod araw-araw kabilang na ang weekends.
Nilinaw naman ng psa na sa January 2021 pa bubuksan ang nationwide registration para sa national id kung saan pwede nang magparehistro ang mga residente sa Metro Manila
“After the registration of the low-income household heads, the philippine statistics authority will make the registration available to the public in 2021 through the help of our lgus, partner agency and other stakeholders.” ani PSA National Statistician And Civil Registrar General, Usec. Dennis Mapa.
Target naman ng psa na mairehistro ang nasa 92 milyong pilipino pagsapit ng June 2022.
(Asher Cadapan Jr | UNTV News)
Tags: national ID