Nasawi sa landslide sa Brgy. Ucab, Itogon Benguet, posibleng umakyat na sa mahigit 60

by Radyo La Verdad | September 26, 2018 (Wednesday) | 10958

Apat na katawan ang naiakyat na sa command center mula sa landslide area sa Barangay Ucab, Itogon, Benguet kahapon.

Sa tally ng command center sa Barangay Ucab, 61 na ang nasawi dito sa landslide, samantalang 21 ang patuloy na pinaghahanap.

Sa tala naman ng Cordillera Region Risk Reduction and Management Council, umabot na sa 103 ang nasawi sa buong rehiyon dahil sa pananalasa ng Bagyong Ompong. 78 dito ay mula sa Itogon, Benguet.

Ayon kay Office of the Civil Defense Cordillera Region Director Ruben Carandang na nag-inspeksyon sa ground zero ngayong araw, irirekomenda na niya na tumutok na ang grupo sa retrieval operations.

Hindi pa rin aniya matiyak kung ilang linggo pa ang itatagal ng operasyon sa ground zero bago makita ang mga natitirang mga pinaniniwalaang kasamang natabunan ng lupa.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,