Nasawi sa Davao Mall fire, umabot na sa 38

by Radyo La Verdad | December 28, 2017 (Thursday) | 3260

Umabot na sa tatlumpu’t walo ang kumpirmadong nasawi sa nangyaring sunog sa NCCC Mall sa Davao City noong Sabado, ito’y kasunod ng pagkakarekober sa bangkay ng mall employee na si Melvin Gaa noong Martes ng gabi.

Si Gaa ay safety officer ng mall at kabilang sa Emergency Action Team na tumulong upang ilikas ang 83 agents ng US-based call center Survey System International o SSI at 700 mall personnels at visitors.

Ayon kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, patuloy naman inaalam ng forensics experts kung kanino kina Mikko Demafeliz o Alexandra Moreno ang narecober na labi sa mall.

Nangako naman ang pamunuan ng NCCC Mall maging ang SSI na magbibigay sila ng cash assistance at scholarship para sa mga anak ng nasawi sa sunog.

Samantala, ipinahayag naman ng alkalde na maaring gugugol pa ng ilang araw ang imbestigasyon sa tunay na dahilan ng nangyaring sunog.

Ang mabubuong task force kasama ang National Bureau of Fire Protection at ibang ahensiya ng lokal na pamahalaan ang pormal na magsusumite ng report ukol sa sanhi ng malagim na aksidente.

 

( Dianne Ventura / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,