Nasawi dahil sa Wuhan Coronavirus 56 na

by Erika Endraca | January 27, 2020 (Monday) | 9134

METRO MANILA – Umabot na sa 56 ang kumpirmadong nasawi dahil sa Wuhan Coronavirus sa China.

Mismong ang isa doktor na gumamot sa mga pasyenteng dinapuan ng naturang virus ay nasawi na rin noong Sabado.

Sa ngayon nasa halos 2,000 na ang infected at ino-obserbahan pa ng mga doktor sa China.

20 na siyudad na sa Central China na may 56 na Milyong populasyon ang isinailalim sa lockdown upang mapigilan ang pagkalat ng virus.

Ang Hongkong nagdeklara na ng state of emergency dahil sa 5 kaso doon ng Coronavirus.

Tatagal hanggang sa February 17 ang suspensyon nila ng klase sa lahat ng paaralan at unibersidad. Mismong si China’s President Xi Jinping ay nagbabala na sa lumalala na sitwasyon at mabilis na ang pagkalat ng virus.

Ang mga ospital sa Wuhan, kinukulang na sa medical supplies. Sa post ng Wuhan Fifth Hospital sa social media humihingi ito ng tulong na mabigyan sila ng mga surgical mask, gowns at protective goggles para sa kanilang mga doctor at nurse na tumitingin sa mga pasyenteng may Corona Virus.

Inumpisahan narin ng pamahalaan ng China ang pagpapatayo ng isang ospital sa Wuhan na may 1000 bed capacity na target matapos sa loob lang ng kalahating buwan.

Samantala sa pinakahuling pahayag ng World Health Organization (WHO) noong 1-Linggo sinabi nito na masyado pang maaga upang magdeklara ng public health emergency sa buong mundo kaugnay sa pagkalat ng Coronavirus.

(Grace Casin | UNTV News)

Tags: ,