Nasawi dahil sa landslides sa Itogon Benguet, umakyat na sa 44; 66 patuloy na pinaghahanap sa buong Cordillera Region

by Radyo La Verdad | September 19, 2018 (Wednesday) | 4192

Sa ikalimang araw ng search and rescue operation, hindi pa rin nawawalan ang pag-asa ang lahat na may makukuhang survivor dito sa landslide sa Barangay Itogon, Benguet.

Tirik ang araw mula umaga hanggang sa tanghali, pero hindi pa rin nagpapatinag ang iba’t-ibang grupo sa paghuhukay dito sa Barangay Ucab sa Itogon, Benguet.

Manu-mano pa rin ang paghahakot ng mga lupa ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP) at Philippine Army.

Gumamit na rin ng jack hammer at chainsaw ang grupo dahil sa mga nakahambalang na mga semento at bakal sa lugar.

Ayon sa head ng search and rescue, retrieval cluster na si General Leopoldo Imbang, inirekomenda na nila ang paggamit ng heavy equipment tulad ng backhoe. Ngunit ang hamon, papaano ito makakarating sa ground zero?

Aminado rin aniya sila na habang patagal ang operasyon, pahirap rin ang sitwasyon.

Sa ibinigay na update ng DILG-Cordillera, as of 10 pm kagabi, umabot na sa 44 na ang nasawi dito sa Itogon dahil sa mga landslide, animnapu’t anim naman ang patuloy na pinaghahanap sa buong Cordillera Region.

Sa Barangay Ucab, 19 na ang nasa official tally ng command center at 54 ang nawawala.

Posibleng lumaki pa ang bilang nito, dahil ngayong araw ay may dalawa pang nakuhang katawan dito sa landslide area.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,