METRO MANILA – Naitala sa Pilipinas ang 35 kaso ng COVID-19 Delta Variant. Batay sa ulat ng mga LGU, 32 rito ang gumaling na habang 3 naman ang nasawi
“Ang isa po namatay iyong 63 year old male na kasama sa barko na MV Athens at namatay po noong may 19. Pangalawa po iyong inannonce na namatay from City of Manila, 58 year old female it is a local case and she died June 28 in a hospital here in Metro Manila. And just yesterday we were able to verify through the local government that a 78 year old female who was also part of the local cases died last May 30 “ ani DOH Spokesperson, Usec. Maria Rosario Vergeire.
Kasalukuyan namang naka- quarantine ang siyam na napaulat na recovered local cases at muli ring isinailalim sa testing upang malaman kung mayoon pa rin sa mga ito ang aktibong kaso o nakakapanghawa pa.
“Pero ngayon po upon verification inaayos po natin mukhang may nakikita po tayo na positive pa rin doon po sa kanilang samples at magbibigay tayo ng information in the coming days” ani DOH Spokesperson, Usec. Maria Rosario Vergeire.
Hindi pa idinetalye ng DOH kung ilan sa mga ito ang muling nag- positibo sa covid-19 at kung ilan pa ang kailangang isailalim sa genome sequencing para malaman kung sila ay may Delta Variant pa rin.
Samantala, nilinaw din ng DOH na walang local case sa Taguig City at ito ay kasama lang sa mga nag- positibong Delta Variant na returning overseas filipino worker mula sa mga crew ng Mv Athens
Ayon naman sa medical experts, limitado ang kapasidad ng bansa para sa genome sequencing ng samples
Sa ngayon, 750 samples lang ang kayang isailalim sa sequencing kada linggo .
Sa loob ng 72 oras, dapat mailabas ang resulta ng sequencing upang kaagad na maipagbigay alam sa mga lokal pamahalaan na sa kanilang lungsod naitala ang mga kaso ng mas mababagsik na COVID-19 Variant gaya ng Delta.
“Extensive contact tracing of those who are in contact with those who died. Within three days mag- positive na iyan, mag- contact trace na iyan kasi we will miss, everyday you miss. You miss 2- 3 potential na nahawaan and that’s our problem” ani Infectious expert/ DOST- VEP member Dr Rontgene Solante.
Paliwanag naman ng DOH, hindi lahat ng positibo sa COVID-19 ay maaaring isailalim sa genome sequencing.
Kailangan munang magsumite ng samples ang mga lugar na may mataas na kaso upang matukoy kung anong COVID-19 variant ang umiiral sa kanila.
Sa kabila ng tuloy tuloy na pagbabakuna, paalala ng DOH, dapat mapanatili ng mga LGU ang mahigpit na pagpapatupad ng Prevent-Detect-Isolate- Treat-Reintegrate (PDITR) strategy kaakibat ang pagsunod sa minimum public health standards.
(Aiko Miguel | UNTV News)
Tags: COVID-19 Delta Variant