Nasa P33-M danyos, pababayaran ng DOTr sa Xiamen Airlines

by Radyo La Verdad | August 30, 2018 (Thursday) | 2138

Muling humingi ng paumanhin kahapon si Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade sa perwisyong idinulot ng aksidenteng kinasangkutan ng Xiamen Airlines sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) runway noong ika-16 ng Agosto.

Sa pagdinig ng Senado ukol sa isyu kahapon, sinabi ni Sec. Tugade na tuloy pa rin ang imbestigasyon ng Civil Aviation Authority sa insidente.

Samantala, sinabi naman ni Manila International Aviation Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal na aabot sa 33 milyong piso ang sisingilin nilang danyos sa Xiamen Airlines dahil sa halos dalawang araw na pagsasara ng runway, kasama na rito ang recovery fees at oportunity losses.

Gayundin ang take off and landing losses, parking costs at staff overtime.

Sa susunod na linggo, ipapadala nila ang bill sa Xiamen Airlines kapag nakumpleto na ang kanilang computation.

Una nang sinabi ng MIAA na mahigit sa 15 milyong piso ang plano nilang singilin sa airline company.

Humingi naman ng paumanhin ang pamunuan ng Xiamen Airlines sa nangyari at sinabing handa silang makipagtulungan sa imbestigasyon ng CAAP.

 

( Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,