Aabot sa lima hanggang pitong libong pamilya na nakatira sa danger zone sa bayan ng Itogon ang target na mailikas ng lokal na pamahalaan ng Benguet.
Ang mga ito ay magmumula sa pitong barangay ng Itogon kabilang na ang mga nakatira sa Sitio First Gate sa barangay Ucab kung saan nangyari ang killer landslide, Sitio Luneta sa Barangay Loacan, Barangay Virac, Ampucao, Gumatdang, at Tuding.
Problema ngayon ng lokal na pamahalaan kung saan ililipat ang naturang mga pamilya, lalo’t kailangan din nilang ikonsidera ang magiging rekomendasyon ng Mines ang Geosciences Bureau na mga ligtas na lugar na maaaring pagtayuan ng permanent relocation sites.
Malaking hamon ngayon sa DENR-Cordillera kung papaano pipilitin ang mga pamilya na umalis sa danger zone at patigilin ang iligal na small-scale mining operations.
Taong 2011 pa ay naglabas na ng babala ang MGB sa mga lugar na posibleng magkaroon ng pagguho ng lupa o landslide prone areas.
Samantala, dahil natuto na sila sa nakaraang bagyo ay naghahanda na ang DSWD-Cordillera ng temporary shelters para sa mga residenteng posibleng maapektuhan ng Bagyong Paeng.
Nakahanda na rin ang tatlumpung libong food packs para sa mga residenteng lilikas mula sa Itogon, Benguet.
( Grace Doctolero / UNTV Correspondent )
Tags: Benguet, danger zone, DENR-Cordillera