Naka-monitor ngayon ang Department of Social Welfare and Development sa halos animnapung libong mga evacuees na nasa mga evacuation centers na lubhang naapektuhan ng mga bagyong Urduja at Vinta.
Ayon sa DSWD, mayroon silang mahigit dalawang daang mga evacuation centers na nakakalat sa Mimaropa, Region 9, Region 10 at Caraga na tinutuluyan ngayon ng mga biktima.
Mayroon na umanong nakahanda na mga relief goods sa mga naapektuhang lugar bago pa tumama ang bagyo. Kailangan lamang mailikas ang mga replenishment upang hindi ito magkulang. Bukod sa mga pagkain, nakahanda rin ang mga non-food items para sa mga nasalanta ng bagyo.
Ayon kay DSWD OIC Usec. Emmanuel Leyco, marami ang nahirapang lumikas dahil hindi agad sumunod sa babala ng pamahalaan.
Ani Leyco, hindi epektibo ang babala ng pamahalaan at nag-iisip sila upang mas mabilis mahikayat ang publiko na lumikas.
Samantala, nanawagan ang DSWD sa publiko upang mag-volunteer na maghanda ng mga relief goods para sa mga biktima ng bagong Urduja at Vinta. Limang daang volunteer araw-araw ang kailangan ng Department of Social Welfare and Development para maihanda ang mga relief goods na ibibigay sa mga biktima ng bagyo.
Ayon sa DSWD, kailangan nila ng volunteer sa National Resource Operations Center simula alas otso ng umaga hanggang alas otso ng gabi.
Para sa mga interesadong magvolunteer, maaaring makipagugnayan sa DSWD sa numerong 553-9864.
( Mon Jocson / UNTV Correspondent )
Tags: bagyong Vinta, DSWD, evacuees