Nasa 5,200 inmates namamatay kada taon sa New Bilibid Prison – NBP Hospital Chief

by Erika Endraca | October 4, 2019 (Friday) | 12970

MANILA, Philippines – Tinalakay muli ng Senate Blue Ribbon Committee ang umano’y iregularidad sa Bureau of Corrections (BuCor). Nahalungkat sa pagdinig ang kaso ng mga namamatay na preso sa New Bilibid Prison (NBP). Ayon sa NBP Hospital Director Ernesto Tamayo, malaki ang bilang ng nasasawing preso kada taon.

Ikinagulat ng ilang senador ang bilang na ito sa gitna na rin ng isyu sa Hospital Pass for Sale kung saan ang mga high profile inmates ay pinepeke ang kanilang mga sakit upang mailipat sa ospital at magawa ang kanilang ilegal na mga transaksyon.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Police General Oscar Albayalde, maging sa mga presong hawak ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ay problema rin ang masikip na mga kulungan. Tumestigo naman ang isang bilibid inmate sa Senado at sinabing ang dahilan ng kanilang pagkakasakit ay dahil sa kanilang kinakain.

Inirekomenda naman ni Senator Risa Hontiveros sa komite na tanggalan ng medical license si NBP medical officer na si Doctor Ursicio Cenas dahil sa kinasangkutan nitong isyu sa Hospital Pass for Sale. Naging kwestiyon sa mga Senador kung bakit tinitipid ang pagkain ng mga preso sa NBP.

Noong 2018, mahigit P1-B ang budget sa food subsistence allowance na inilaan para sa mga Person Deprived of Liberty (PDL) o aabot sa P60 kada PDL ang budget sa pagkain ito kada araw. Ngunit sa bidding na nangyari, napababa sa P39 ang halaga ng pagkain.

Ayon kay Angelina Bautista na naging caterer ng Correctional Institutionf For Women ng NBP, nanalo na sila sa bidding noong August 2018 ngunit bigla na lamang silang dinisqualify.

Sa impormasyon ni Bautista, ito ay dahil hindi umano siya nagbigay ng kickback. Samantala, Isang catering service rin ang nagsabing nablacklist noong 2017 at iniakyat nila ang reklamo sa department of justice.

Sinabi ni dating BuCor OIC Rafael Ragos sa pagdinig na P1-M kada buwan ang tinatanggap ng Director ng BuCor mula sa mga catering service. Dumipensa naman si dating BuCor Chief at ngayon ay Senator Ronald Bato Dela Rosa na sa kaniyang panahon ay wala namang nagalok sa kaniya nito ni tumanggap ng anomang suhol.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: ,