Nasa 500 temporary shelters ang ipamamahagi ng National Housing Authority sa barangay Sagongsongan, Marawi City

by Radyo La Verdad | December 28, 2017 (Thursday) | 5933

May pansamantala nang matutuluyan ang ilan sa mga residente ng Marawi City na halos pitong buwang nasa evacuation centers bunsod ng nangyaring giyera sa siyudad bago man matapos ang taong 2017.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, katunayan ito na di mauulit ang matinding delay ng pagkakaloob ng proyektong pabahay gaya ng nangyari sa Tacloban matapos tumama ang bagyong Yolanda noong 2013.

Nasa 500 temporary shelters ang ipamamahagi ng National Housing Authority sa barangay Sagongsongan, Marawi City. Bukod pa ito sa 300 units na itinayo naman sa tulong ng Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR.

Gayunman ayon sa NHA, 250 units ang maaari nang matuluyan bago mag-2018, samantalang sa January 7, 2018 naman matitirhan ang iba pang units ng mga kwalipikadong beneficiaries.

Target ng pamahalaang maipagkaloob ang kabuuang 1, 170 temporary shelter units sa February 2018.

Samantala, hindi nakarating sa turn over ceremony si Pangulong Duterte sa Marawi City dahil sa masamang lagay ng panahon. Gayunman, nangako ang punong ehekutibo na babalik sa siyudad ngayong linggo.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,