Nasa 300 magulang ng mga nabakunahan ng Dengvaxia, nagpasaklolo sa PAO

by Radyo La Verdad | January 9, 2018 (Tuesday) | 2775

Isa si Jeffrey Alimagno sa may 300 magulang ng mga batang nabakunahan ng Dengvaxia na lumapit sa Public Attorney’s Office upang humingi ng tulong legal.

Enero atres namatay sa dengue shock syndrome ang kaniyang 13 taong gulang na anak na si Rei Jazztine matapos maturukan ng kontrobersyal na anti-dengue vaccine. Nais ni Jeffrey na mapanagot ang mga taong responsable sa pagpapagamit ng Dengvaxia.

Biglaan din ang naging pagkamatay ng ilang bata kung kaya’t  ang ibang mga magulang ay humingi ng tulong sa PAO. Bagama’t hindi dengue ang nakatalang sanhi ng kamatayan, may nakita namang pagkakapare-pareho ang forensic expert ng PAO sa tatlong batang dumaan sa kanilang eksamenasyon.

Ayon kay Dr. Erwin Erpe, mabilis ang progreso ng sakit ng mga batang namatay sa loob ng anim na buwan matapos mabakunahan ng Dengvaxia. Lumalaki rin ang ilang mga organ sa katawan at may extensive bleeding sa utak, baga at puso. Gayunpaman, patuloy pa ring pinag-aaralan kung tunay nga bang may kinalaman sa Dengvaxia ang pagkamatay ng mga ito.

Samantala, ayon kay PAO Chief Percida Acosta, nasa 300 pamilya na ang lumapit sa PAO para humingi ng legal assistance. Sa ngayon, tinutukoy pa nila kung sino-sino ang sasampahan ng kaso.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,