Nasa 30 establisyemento sa Boracay, natuklasang walang maayos na drainage system

by Radyo La Verdad | February 21, 2018 (Wednesday) | 1893

Nagsagawa ng mapping inspection kahapon ng umaga ang Malay Municipal Engineering Office kasama ang Municipal Health Officer upang tukuyin ang mga establisyemento sa Boracay na lumalabag sa mga ordinansa.

Unang binuksan ng Malay Municipal Engineer ang drainage ng isang hotel upang makita kung maayos itong naka-konekta sa sewerage system ng isla.

Dito tumambad sa kanila ang iligal na koneksyon ng establisyemento sa drainage at sewerage system ng Boracay Water Facility. Agad silang binigyan ng citation ticket at inobliga na agad ipaayos ang drainage.

Ayon sa municipal engineer, isa lamang ang hotel na ito sa nasa tatlumpung establisyemento sa Boracay na walang maayos na drainage system na nagiging sanhi naman ng pagdumi ng tubig dagat. Ito rin ang isa sa mga dahilan ng madalas na mga pagbaha sa isla.

Samantala, umabot na rin sa labing pito na mga establisyemento ang nakitang lumabag sa Municipal Ordinance Number 307 series of 2012.

Ito ay ang tamang pagkabit, konstruksyon at maintenance ng sewerage treatment plant  and  standard  septic  tanks batay sa itinakdang standard sa isla. 

Ilan din sa mga violation ng ilang mga hotels ay ang pag-ooperate nang walang sanitary permit at health card ng ilang empleyado.

 

( Lalaine Moreno / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,