METRO MANILA – Puspusan na ang paghahanda ng Department of Education (DepEd) sa pagbubukas ng klase sa August 29.
Kasabay ng paglulunsad ng Brigada Eskwela kahapon (August 7), pormal na ring binuksan ang enrollment sa mga pampublikong paaralan.
Nasa 28.8 milyong enrollees sa mga pampubliko at pribadong paaralan ang inaahasan ng DepEd ngayong taon.
Mas mataas ito sa 28.4 million noong nagdaang school year.
Sinabi naman ng DepEd na hindi nila pipilitin ang mga mag-aaral at guro na pumasok sa paaralan kung kabilang ito sa mga nakapagtala ng infrastructure damage bunsod ng mga nagdaang kalamidad.
Umabot na sa 353 paaralan sa bansa ang apektado ng nagdaang bagyo at habagat habang higit sa 100 paaralan parin ang kasalukuyang ginagamit bilang evacuation centers.
Nasa 11,000 pulis naman ang idedeploy ng Philippine National Police (PNP) para matiyak na magiging maayos at payapa ang pagbubukas ng klase.
Bukod sa pagbabantay ng seguridad, magsasagawa rin ng orientation at seminar ang mga pulis sa mga eskwelahan para sa mga guro at mag-aaral.
(Bernadette Tinoy | UNTV News)
Tags: DepEd, public school