Nasa 12 libong pampublikong nurse sa bansa, nangangambang mawalan ng trabaho – Ang Nars

by Radyo La Verdad | January 15, 2018 (Monday) | 2415

Isinusulong ngayon ng “Ang Nurse Party-List” na madagdagan ang plantilla positions para sa mga nurse at health workers ng gobyerno.

Ayon kay dating Congresswomen Leah Paquiz, laging nangangamba ang nasa 24 na libong nurse na nagtatrabaho sa ilalim ng “Nurse Deployment Program” o NDP ng Department of Health dahil hindi regular ang mga ito.

Kagaya na lamang ng isang nurse na taga Region 3 na limang taon ng nagseserbiyo sa publiko sa ilalim ng NDP, isang taon lamang umano ang kontrata nila sa DOH pero depende pa ito kung papasa sa ebalwasyon pagkatapos ng anim na buwan.

Sila anila ang mga katulong ng pamahalaan sa pagpapatupad ng iba’t-ibang programang pangkalusugan lalo na kapag may sakuna.

Nasa 31 libong piso ang sweldo ng mga nurse na nasa ilalim ng NDP pero wala naman umano silang hazard pay, basic na benepisyo, 13th month pay at delayed ang sweldo. Inerereklamo din nila ang umano’y pang-aabuso ng ilan sa kanilang mga opisyales at ang backer o palakasan system.

Sumulat na ang grupo kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil ngayong taon ay posible umanong mawalan na ng trabaho ang kalahati o nasa 12 libo sa kanila.

Nais din ng “Ang Nars Party-List” na sundin na ng gobyerno ang tamang pasweldo sa mga nurse ng nasa pampublikong ospital.

Sa ngayon anila ay nasa 21 libong piso lamang o salary grade 11 ang starting salary ng mga ito na dapat umano ay salary grade 15 o 31 libong piso base sa Philippine Nursing Law of 2002.

Nagkaroon na ng pakikipag-ugnayan ang UNTV News sa Department of Health at hinihintay na lamang ang panig nito sa issue.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,