METRO MANILA – Magpapatupad ng blended learning program ang Department of Education (DEPED) alinsunod sa direktiba ng Pangulo na walang mangyayaring face-to-face classes hanggang sa wala pang vaccine para sa COVID-19.
At dahil wala nang mga estudyanteng ihahatid sa mga paaralan, mawawalan na rin ng hanapbuhay ang mga school service operators at drivers
Ayon kay Celso Dela Paz, Presidente ng National Alliance of School Service Association of the Philippines, nasa 10,000 school service operators sa Metro Manila ang apektado nito.
“Sa isang unit, hindi lang driver ang nawawalan e tatlo, isang driver, isang operator, isang conductor, yan ang mga hindi nakakakuha nang nakakapaghanap buhay ngayon.” Ani National Alliance of School Service Associatin of the Philippines President, Celso Dela Paz.
Dahil dito, hinihimok naman ni Dela Paz ang mga otoridad na pabilisin na ang distribusyon ng cash aid para mapagaan ang epekto ng pagkawala ng kanilang source of income.
“Sana yung ayuda na ipinangako sa aming mga driver, hindi lamang sa mga school service, sa lahat na ng mga, sa driver ano, sana maibigay na. Maiabot na. Kasi malaking tulong din kung sakaling makuha na nila. At least kahit paano makakaluwag luwag.” Ani National Alliance of School Service Associatin of the Philippines President, Celso Dela Paz.
Bilang alternatibo, inirekomenda ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) sa mga school service operators na i-convert ang kanilang school service vehicles at gawing shuttle service para sa mga private companies.
Ayon kay Dela Paz, ang naturang proposal ay binuksan sa kanila ng LTFRB noong Mayo.
Isa itong magandang option para sa kanila dahil mukhang malabo aniya na magkaroon ng face-to-face classes ngayong taon.
Maliban dito, sinabi rin ni Dela Paz na ang iba naman sa kanilang mga kasamahang drivers ay nagluluto at nagbibenta na muna ng pagkain bilang kanilang Temporary Source of Income para makaraos sa araw-araw.
(Vincent Arboleda | UNTV News)
Tags: classes, NCR, school service operators