Hinikayat ni Vice President Leni Robredo na magsampa ng diplomatic protest ang Pilipinas kaugnay ng umano’y lumalalang militarisasyon ng China sa West Philippine Sea.
Ito’y matapos lumabas ang mga ulat mula sa Reuters at US network na CNBC noong Myerkules na tahimik umanong nagdedeploy ang China ng mga anti-ship at anti-aircraft missiles sa Panganiban, Fiery Cross at Subi Reef.
Sa inilabas na pahayag ng pangalawang pangulo kahapon, sinabi nito na paglabag ito sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at banta sa seguridad at soberanya ng bansa.
Dagdag pa nito, ang West Philippine Sea ay isang major passageway ng mga barko mula sa iba’t-ibang bansa para sa pangangalakal at ang pagtaas ng tensyon sa lugar ay makakaapekto sa mga ito.
Noong nakaraang linggo, nagbabala na ang White House sa Beijing dahil sa paglalagay ng mga missile systems sa mga artificial islands.
Una nang nilinaw ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque na hindi naman sinisisi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nakaraang administrasyon sa nangyayaring reklamasyon ng China.
Ngunit nag-umpisa umano ang mga pagtatayo ng pasilidad sa West Philippine Sea sa panahon ni dating Pangulong Benigno Aquino III.
Para naman sa Department of Foreign Affairs (DFA), klaro ang interes ng bansa at naninindigan itong may karapatan ang Pilipinas sa teritoryo at soberanya sa mga isla.
Ngunit hindi umano ito basta mareresolba kung ang mag-uusap lamang ay ang China at Pilipinas.
( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )
Tags: China, VP Robredo, West PH Sea