Isang sunog ang sumiklab sa paanan ng bundok Mayabobo sa Candelaria, Quezon kahapon.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, nangyari ang sunog noong Lunes ng gabi at aabot sa apat na ektarya ang napinsala.
Apat na barangay ang nakasasakop sa lugar na kinabibilangan ng Barangay Masalukot I, II, III at IV.
Nasa buffer zone ito ng Banahaw at San Cristobal na idineklarang protected landscapes.
Bagaman idineklara nang fireout ng BFP, nakabantay pa rin sila sa lugar para sa pagsasagawa ng clearing operations.
Halos bawat taon ay may naitatalang grassfire sa nasabing lugar kaya iniimbestigahan na rin ng BFP kung resulta ito ng pagkakaingin.
Ang kaingin ay isang uri ng farming system kung saan sinasadyang putulin at sunugin ang mga pananim upang ma-cultivate ang lupa.
Naalarma na rin ang mga opisyal ng barangay sa palagiang pagkasunog ng bahagi ng bundok dahil sa posibleng maging epekto nito sa kaligtasan at kalusugan ng mga residente.
Ayon sa BFP, labag sa Clean Air Act ang sadyang pagsusunog at maaaring maharap sa parusa ang mga nasa likod ng intentional grassfire.
Nanawagan rin sila sa publiko na tumulong sa pagbabantay sa kalikasan at agad isumbong kung may nagsasagawa ng pagkakaingin sa lugar.
(Japhet Cablaida / UNTV Correspondent)
Tags: BFP, Mt.Mayabobo sa Quezon, sunog sa paanan