Naghain ng joint resolution si Sen. Leila de Lima at Sen. Antonio Trillanes IV sa Senado upang imbestigahan ang umano’y palpak na pamamalakad sa New Bilibid Prison.
Bunsod ito sa nangyaring riot kahapon sa building 14 kung saan namatay ang presong si Tony Co, at nasagutan naman ang ilan pang high profile inmate na sina Jaybee Sebastian, Peter Co at Vincent Lee.
Ayon sa dalawang senador, nais nilang tignan ang naging kakulangan ng Special Action Force o SAF sa pagmamando ng NBP.
Sa higpit ng seguridad sa NBP, dapat hindi na nakapapasok pa ang iligal na droga gaya ng shabu at ilang kontrabando.
Dumipensa naman si Sen. De Lima sa alegasyong may kinalaman siya sa nangyaring riot sa NBP.
Naniniwala rin si Sen. Panfilo Lacson na dapat maimbestigahan ang insidente.
Maliban sa nangyaring NBP riot, nais din nilang paimbestigahan sa Senado ang alegasyon noon ni Sen. De Lima na isinasailalim sa “overnight interrogation sessions” ang ilang mga preso upang piliting tumestigo laban sa senadora.
Dahil hapon na naihain ang resolusyon sa Senado kahapon, hindi pa ito naisama sa agenda ng plenary.
Inaasahan naman na susunod na linggo ay mairerekomenda ito sa tamang komite.
(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)
Tags: nais paimbestigahan sa Senado, Nangyaring riot sa loob ng NBP