Nangyaring ‘Misencounter’ sa pagitan ng ilang Pulis at PDEA agents, iniimbestigahan na ng binuong BOI

by Erika Endraca | February 26, 2021 (Friday) | 48536

METRO MANILA – Inamin ni PDEA Director General Wilkins Villanueva  na mayroong magkaibang version ang PDEA at PNP kaugnay sa nangyaring buybust operation na nauwi sa barilan sa pagitan ng QCPD DSOU at PDEA agents  sa Commonwealth noong Miyerkules (Feb. 24).

Kaya naman ayon kay Villanueva, ito ang iniimbestigahan ngayon ng binuo nilang Board of Inquiry (BOI) na pinamumunuan ng PNP-CIDG.

“Pwede ba pagbigyan nyo muna ang Board of Inquiry to come up with the good and authentic investigation, kasi according sa PNP  ito ang nangyari, according sa pdea ito ang nangyari, hindi naman namin pwedeng pagsabungin ang sarili natin, but both of them are doing their job”  ani PDEA Dir. Gen. Wilkins Villanueva .

Sinabi din ni PNP Chief PGen. Debold Sinas na kinukuha pa nila ang mga ebidensya, gaya ng cctv footage at statement ng mga sangkot na pulis at PDEA agents.

“All the evidences, all the people concern sya nandoon po sa CIDG they are collating evidences and data, we will not preempt sa finding “ ani PNP Chief, PGen. Debold Sinas.

Nilinaw din ng PDEA na buybust  operation ang ginawa ng kanilang mga tauhan taliwas sa mga lumabas sa balita na nag sell bust ang mga ito.

Gayunman, nangako ang 2  opisyal  na mananagot ang mapatutunayang nagkamali sa nangyaring operasyon.

Pinasinungalingan din ng mga ito na may nawawalang P1.5-M na boodle money.

Ipinunto pa ng  PDEA na posibleng mayroong sindikato na sa likod ng naturang shooting incident. 4 ang nasawi sa nangyaring misencounter, 2 mula sa PNP,  1PDEA agent at 1 informant ng PDEA. Habang 4 din ang sugatan, na kinabibilangan ng 1 pulis at 3 PDEA agents.

Sa kabila nang nangyari sinabi ng PNP  at PDEA  na buo pa rin at maayos ang kanilang relasyon at hindi daw ito makaaapekto sa War on drugs ng pamahalaan.

(Lea Ylagan | UNTV News)

Tags: ,