Nananatiling kampante ang mga residente sa paligid ng Mount Bulusan sa kabila ng bahagyang pagtaas ng volcanic activity ng bulkan

by Radyo La Verdad | February 24, 2016 (Wednesday) | 2842

ALLAN_BULUSAN
Patuloy ang masusing pagbabantay ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology sa aktibidad ng bulkang Bulusan.

Batay sa pinaka huling datos ng PHIVOLCS, tumaas ang bilang ng pagyanig ng Bulusan kumapara kahapon.

Mula sa anim na volcanic quakes, umabot na ito ngayon sa walo na nangangahulugan na may paggalaw sa ilalim ng bulkan.

Ngunit ayon sa PHIVOLCS, hindi ito dapat ikabahala dahil minimal pa lamang ang aktibidad nito.

Kaninang umaga muling sinukat ng ground deformation team ang tatlong bahagi ng dalisdis ng Bulusan na matatagpuan sa Brgy. Inlagadian, Tinampo at Mapaso.

Ininspeksyon naman ng engineering team ng PHIVOLCS ang mga instrumentong kanilang ginagamit sa pagtaya ng lagay ng bulkan.

Samantala nananatili pa ring kampante ang ilang mga residente malapit sa paanan ng Mt. Bulusan.

Ayon sa kanila, sanay na sila sa tuwing nagpapakita ng abnormalidad ang Bulusan.

Maging ang mga resort at pasyalan malapit sa bulakn ay nananatiling bukas para sa mga bakasyunista at turista.

Samantala ipinagbabawal pa rin ang pagpasok ng sinoman sa 4 km radius ng paligid ng bulkan.

Sa ngayon, nananatiling nakataas sa alert level one ang Mt. Bulusan.

(Allan Manansala / UNTV Correspondent)

Tags: ,