Nakararaming magtatapos sa 2018 K-12 program, nais tumuloy sa kolehiyo kaysa magtrabaho – DepEd

by Radyo La Verdad | March 26, 2018 (Monday) | 7764

Sa susunod na linggo ay magsisipagtapos na ang unang batch sa ilalim ng K to 12 curriculum ng Department of Education.

Sa datos ng DepEd, aabot sa 1.2 million ang magsisipagtapos na senior high school.

61 percent dito o mahigit pitong daan at animnapu’t limang libo ay nais pa ring tumuloy ng kanilang pag-aaral sa kolehiyo.

Samantalang 38 porsyento lamang o mahigit apat na raang libo ang nais pumasok sa maikling programa ng technical vocational livelihood at agad na makakuha ng trabaho.

Ayon sa DepEd, nangangahulugan ito na marami pa rin sa mga Pilipino ang naniniwalang ang pagkakaroon ng diploma ang makapagbibigay pa rin ng magandang kinabukasan para sa kanila.

Ito ay sa kabila ng ginagawang pagkumbinsi sa mga kabataan na pumasok sa mga Tech-voc courses upang makakuha agad ng trabaho.

Positibo naman si DepEd Secretary Leonor Briones na unti-unting magbabago ang ganitong sentimiyento ng mga Pilipino.

Lalo na’t nakikita umano ng mga nasa pribadong sektor ang malaking pakinabang ng mga nagsipagtapos sa K to 12.

Patuloy rin aniya ang pagsasagawa ng mga job fair sa iba’t-ibang rehiyon upang matulungan sa paghahanap ng trabaho ang mga magsisipagtapos sa bagong curriculum na ito.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,