Nakakasuhang pulis dahil sa anti-drug war, nadagdagan simula noong buwan ng Hulyo

by Radyo La Verdad | January 13, 2017 (Friday) | 1533

lea_tadeo
Dumami ang pulis na humihingi ng tulong sa Philippine National Police Legal Service dahil sa mas pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.

Ayon kay PNP Legal Service Public Information Office Chief PSupt. Lynette Tadeo, nasa sampung pulis ngayon ang kanilang tinutulungan mula sa Region 2 at Region 7, mula sa dalawang bilang ng pulis lamang bago pumasok ang Duterte Administration.

Aniya, ang nasabing mga pulis ay sinampahan ng kaso ng kaanak ng mga napapatay sa PNP Legitimate Drug Operations.

Ayon pa kay Tadeo, dumadaan sa masusing imbestigasyon at pag-aaral ng board ang bawat pulis na humihingi ng legal assistance upang masigurong hindi ito lumabag sa pnp operational procedures sa isinagawang operasyon.

Maaari naman aniyang mag-aapply para sa free legal assistance ang pulis na may ranggong mula PO1 hanggang star rank.

Kung maaprubahan ang hiling na free legal assistance ng isang pulis ay entitled ito sa direct legal representation, nangangahulugan na ang abogado mula sa PNP Legal Service ang dadalo sa bawat hearing.

Maaari din namang kumuha ng abogado ang isang pulis at ibabalik na lamang ng legal service ang nagastos ng mga ito dahil kulang sila sa abogado sa ngayon.

Nilinaw naman ng opisyal na hindi kabilang ang grupo nina PSupt. Marvin Marcos sa kanilang tinutulungan dahil hindi naman sila nag-apply ng free legal assistance.

Tiyak din aniyang idadaan ito sa masusing proseso lalo’t may kwestiyon sa proseso ng pagsalakay ng mga ito sa Baybay Leyte Sub-Provincial Jail kung saan nakakulong si Albuera Mayor Rolando Espinosa Sr.

(Lea Ylagan / UNTV Correspondent)

Tags: ,