Naitatalang kaso ng Covid-19 sa NCR sa loob ng 1 araw, umakyat na sa mahigit 1,000 – Octa Research

by Erika Endraca | March 8, 2021 (Monday) | 2122

METRO MANILA – Lomobo sa 1,025 ang daily average Covid-19 cases na naitala sa National Capital Region simula Feb. 28 hanggang March 6 batay sa ulat ng university of the Philippines Octa Research Team

Mas mataas anila ito ng 42% kumpara sa naunang Lingo. 130% din ang itinaas ng kaso kumpara naman sa nakalipas na 2 Linggo .

Lumabas din sa ulat ng Octa Research Team na 40% ang itinaas ng kaso kada linggo sa Quezon City, Makati, Taguig, Parañaque, Caloocan at Mandaluyong.

Ayon pa sa Octa Research Team, ang reproduction number ngayon sa rehiyon ay kaparehas na noong July 2020 kung saan umaabot na sa 1.66 .

Mas mabilis din anila ang pagkalat ng Covid-19 infection ngayon kumpara noong nakaraang taon. Posibleng dulot ito ng Covid-19 variants na uimiiral sa bansa.

Kapag hindi anila napigilan ang paglobo ng kaso sa bansa posibleng umabot sa 5,000 hanggang 6,000 kada araw ang Covid-19 cases sa buong bansa sa katapusan ng Marso .

Paliwanag ng DOH, isang factor lang ang Covid-19 variants kaya tumataas ang kaso sa Pilipinas. Isang dahilan pa rin ang pagiging kampante ng publiko sa pagsunod sa minimum public health standards.

Pinulong na ng Department Of Health ang mga NCR and Regional Driectors ng mga ospital nitong weekend upang mapaghandaan pa ang posibleng paglobo ng Covid-19 cases sa Pilipinas.

Noong Biyernes (March 5) naitala rin ang pinakamataas na kaso sa loob ng 1 araw ngayong 2021 na umabot sa 3, 045.

Ayon sa DOH, posibleng higpitan ang quarantine restrictions sa Pilipinas kung makikitang mapupuno ang health system capacity ng bansa dahil sa paglobo ng mga kaso.

“Pag dumating tayo doon sa punto na kailangan muna natin isara ang ating mga siyudad dahil po sa nangyayari, gagawin po iyan as an additional measure.” ani DOH Spokesperson, Usec Maria Rosario Vergeire.

Sakaling higpitan man aniya ang quarantine measures bawa’t rehiyon, ang IATF at LGUs aniya ang may pinal na desisyon ukol dito.

“IATF decision po iyan itong stricter restrictions kung pag-uusapan natin per region. Pero ang local governments will have that auhtory na sila po ay makapagpatupad ng restrictions within their locality.” ani DOH Spokesperson, Usec Maria Rosario Vergeire.

Sa kabilang banda, ayon sa DOH mainam na noong nakaraang taon pa nakapaghanda ang Pilipinas sa mga karagdagang hospital beds, medical supplies at facilities sakaling lomobo ang kaso.

Pakiusap ng DOH sa publiko, kahit na nagsimula na ang pagbabakuna hindi dapat makalimutan ng publiko na magsuot pa rin ng mask, face shield, sundin ang physical distancing, cough etiquette at paghuhugas ng kamay.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: ,