NAIA, pasok sa Top 10 Most Improved Airport sa buong mundo

by Radyo La Verdad | March 23, 2018 (Friday) | 4403

October 2017 nang matanggal sa hanay ng the worst airport ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) batay sa travel website na The Guide to Sleeping in Airports.

At ngayong taon, mas lumevel-up pa ang estado ng NAIA nang makapasok ito sa top ten world’s most improved airport ng Skytrax World Airport Awards 2018.

Ayon kay Manila International Airport Authority General Manager Eddie Monreal, isang karangalan para sa buong ahensya na makilala bilang isa sa mga umuunlad na paliparan sa buong mundo.

Ayon kay Monreal, kabilang sa kanilang mga tinutukan ang pagsasaayos ng airconditioning system sa terminal 3, mga dagdag na upuan sa waiting area, gayundin ang problema sa congestion o pagsisiksikan sa runway ng mga eroplano.

Dahil dito, nasusunod na aniya ng maayos ang schedule sa landing at take-off ng mga eroplano.

Dagdag pa ni Monreal, nagsilbin rin nilang inspirasyon at gabay sa pagsasaayos ng NAIA ang mga batikos na kanilang nababasa sa social media.

Bukod sa tuloy-tuloy na pagpapaganda sa serbisyo ng NAIA, kabilang rin sa pinaplano ngayon ng MIAA ay ang renovation sa terminal two, habang expansion project naman ang plano sa terminal 4.

Balak rin ng MIAA na palitan na ang mga conveyor system at ang pagkakabit ng mga CCTV sa iba’t-ibang bahagi ng paliparan.

Muli namang nagbabala si Monreal sa mga pasaway taxi driver na pumapasada sa NAIA.

Aniya, kung may mahuhuli pa silang abusadong driver, tuluyan ng ipagbabawal ng ahensya ang pag-ooperate ng buong fleet ng taxi company sa NAIA.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,