NAIA, handa na sa pagdagsa ng mga bibiyahe para sa long holiday – MIAA

by Radyo La Verdad | April 9, 2022 (Saturday) | 14676

Nag-ikot sa dalawang terminal ng Ninoy Aquino International Airport terminal 3 at 4 ang General Manager ng Manila International Airport Authority upang ipakita na handa ang buong paliparan sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa darating na long holiday.

Ayon sa MIAA, activated na rin ang public assistance desk ng MIAA upang tugunan ang iba’t ibang pangangailangan ng mga biyahero. Gayun din ang intensive security screening sa mga pasahero.

“Marami nang pasahero na bumibyahe and I was surprise na ganun agad nag-rebound ang local tourism natin. Ang expectations po natin diyan ay depende po sa mga kababayan nating magbu-book papuntang probinsya,” ayon kay Ed Monreal, General Manager, Manila International Airport (MIAA).

Sa datos ng MIAA, simula nang pumasok ang buwan ng Abril, umabot na sa labinlimang libong mga pasahero ang dumarating sa naia sa loob ng isang araw.

Mas mataas ito kung ikukumpara sa 12,000 na mga byahero kada araw na naitala noong buwan ng Marso. 

Samantala, ilang naman sa ating mga kababayan ang sinamantala ang pagkakataon na maagang makabiyahe upang makaiwas sa bulto ng mga taong dadagsa sa naia sa susunod na linggo.

Nagpaalala naman ang MIAA sa mga pasahero na magtungo na sa airport tatlong oras bago ang flight schedule upang makaiwas sa aberya.

Janice Ingente | UNTV News

Tags: , , ,