Nahirapang bumoto ang ilang senior citizen dahil sa kakulangan ng special voting precints sa ilang paaralan

by Radyo La Verdad | May 14, 2018 (Monday) | 2879

Dismayado ang ilang botanteng senior citizen sa Barangay Batasan Hills, Quezon City kanina dahil sa anila’y magulong sistema ng botohan sa President Corazon Aquino Elementary School.

Ayon kay Nanay Nolly Ruba, 75 anyos, bago pa man magbukas ang eskwelahan ay pumila na siya upang makaboto. Subalit inabot na ng alas diyes ng umaga kanina, hindi pa rin niya nakita ang kaniyang presinto.

Nagreklamo rin si Tatay Romualdo Adivino, 87 anyos, dahil halos nalibot na niya ang tatlong building ng eskwelahan pero hindi pa rin niya nakita ang kanyang pangalan.

Bagaman may itinalagang special room para sa mga senior citizen at PWD sa President Corazon Aquino Elementary School, may ilan pa rin sa matatanda ang nakalista ang pangalan sa mga presinto sa 2nd at third floor ng paaralan. Dahil sa pagkadismaya, hindi na bumoto ang ilang matatanda at umuwi na lamang.

Samantala, kung may mga nahirapan, may ilan rin namang mga senior citizen ang mabilis na nakaboto. Ang tangi lamang nilang ininda ay ang mano-manong sistema ng botohan, dahil mahirap na para sa kanilang matatanda ang magsulat at magbasa.

Aminado naman ang principal ng eskwelahan sa naging problema, subalit sinisikap naman anilang maiayos ang sistema.

Samantala, sa tabi naman ng kalsada idinaos ng Barangay Valencia sa Quezon City ang botohan ng barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Ayon sa OIC-Principal ng Camp Crame National Highschool na si Doctor Elenita Santos Cordovez, wala umanong public school o government facility na maari nilang magamit upang pagdausan ng botohan.

Kung dati ay isinasagawa nila ang botohan sa loob ng kanilang tatlong palapag na barangay hall, ngayon aniya ay hindi na kakasya ang malaking bilang ng mga botante sa kanilang lugar.

Sa kabila ng mga anunsyo sa oras ng botohan, may ilang botante pa rin ang hindi umabot sa cut-off.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,