Naghain ng not guilty plea si Senator JV Ejercito sa kasong graft

by Radyo La Verdad | April 18, 2016 (Monday) | 5479

SEN JV EJERCITO
Nabasahan na ng sakdal ngayong araw si Sen. JV Ejercito sa kanyang kasong graft sa Sandiganbayan 5th division.

Not guilty ang inihain na plea ng senador sa kanyang kaso na nag-ugat sa umano’y maanomalyang paggamit ng calamit fund ng San Juan City noong 2008.

Ang 2.1 million pesos na pondo ay nagamit umano na pambili ng armas noong alkalde pa si Ejercito ng lungsod.

Ayon sa senador walang iregularidad dito at nais niya na matapos ang paglilitis dahil kumpiyansa naman siyang madidismiss ang kaso.

Samantala, hindi dumating sa 4th division ng Sandiganbayan ang pinsan ng senador na si dating Laguna Gov. Jeorge Ejercito Estregan.

Nagpasa ng medical certificate ang kanyang kampo at sinabing hindi makakadalo si Er Ejercito matapos maconfine sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City dahil sa sakit na pneumonia.

Hindi naman tinanggap ng korte ang ipinasang medical certificate dahil nakasaad dito na for school or work purposes lang ito at hindi maari magamit for medico-legal.

Pinuna rin ni Justice Geraldine Faith Econg na kaduda-duda ang alterations o bura sa petsa ng confinement ni Ejercito sa naturang ospital.

Ibang doktor din aniya ang pumirma sa certificate at hindi ang kanyang attending physician.

Dahil dito, pansamantalang kinumpiska ng korte ang piyansa ni Ejercito na nagkakahalaga ng thirty thousand pesos at ipinag-utos ang pag-isyu ng warrant of arrest sa kanya.

Kaugnay nito, binigyan ng tatlumpung araw si Ejercito upang magpaliwanag bago tuluyang i-forfeit ang kanyang piyansa.

Nahaharap si Ejercito sa kasong graft sa 4th division dahil naman sa umano’y maanomalyang health insurance deal para sa mga turista at bangkero ng Pagsanjan, Laguna taong 2008 noong mayor pa siya.

Naghain ng not guilty plea ang pitong iba pang akusado, habang dinismiss naman ang kaso laban sa isa pang akusadong namatay na.

Samantala, itinakda na ng 5th at 4th division ang petsa ng preliminary conference sa dalawang kaso kung saan mamarkahan na ng prosekusyon at depensa ang mga ebidenysang gagamitin sa kaso.

(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)

Tags: , ,