Nagdulot ng matinding trapiko sa ilang lugar sa Maynila ang pagpapasara ng MMDA sa Otis bridge

by Radyo La Verdad | June 27, 2018 (Wednesday) | 3449

Naperwisyo ang ilang mga motorista matapos na isara ng Department of Public Works and Highways (MMDA) ang Otis bridge sa Paco, Maynila.

Bagaman naglaan ng alternatibong ruta ang ahensya, nagresulta ito sa lalo pang bumigat na trapiko sa ilang bahagi ng Maynila dahil sa bulto ng mga sasakayan.

Bumuhos ang reklamo ng ilang motorista sa social media na naipit dahil sa matinding traffic na idinulot ng pagsasara ng Otis Bridge. Isinara ng MMDA ang naturang tulay matapos na bumigay at natuklasan ang naglalakihang mga bitak.

Sa Ilalim ng Otis bridge, makikita ang gumuhong bahagi nitong tulay, bukod pa diyan marami na rin itong bitak kaya naman minabuti na ng DPWH na ayusin ang tulay sa susunod na buwan”

Tinukoy ng ahensya ang ilang mga alternatibong ruta para sa mga apektadong motorista. Subalit kanina, kitang-kita na tumukod ang traffic sa ilang lugar sa Maynila dahil sa haba ng pila ng mga trailer trucks at mga maliliit na sasakyan.

Kabilang sa mga apektadong lugar ang President Quirino Avenue, Zamora St at kalye ng Romualdez. Bukod sa mga motorista, kalbaryo din para sa ilang commuters ang pagsasara ng tulay. Sa Hulyo sisimulan nang gibain ng DPHW ang Otis bridge upang makapagtayo ng panibagong tulay.

Samantala, nanawagan naman ng tulong sa pamahalaan ang mga pamilyang naninirahan sa ilalim ng Otis bridge.

Ayon sa DPWH nakipag-ugnayan na sila sa lokal na pamahalaan ng maynila para sa relokasyon ng mga pamilyang nakatira sa ilalim ng tulay.

Nangako ang DPWH na gagawin nilang 24/7 ang pagsasaayos ng Otis bridge upang maabot ang kanilang target completion sa Marso 2019.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,