METRO MANILA – Pinabulaanan ni Department of Finance (DOF) Secretary Benjamin Diokno ang mga usaping nagsasabi na nasa bingit ng debt crisis ang Pilipinas at tiniyak sa Committee on Ways and Means na malayong magkaroon ng krisis pinansyal ang bansa.
Ito ay bilang pagtugon sa mga haka-haka tungkol sa utang ng ahensya na nagsasabing mauuwi ang Pilipinas sa parehong sitwasyon ng bansang Sri Lanka.
Matatandaang inanunsyo ng pamahalaan ng Sri Lanka ang hindi nito pagbabayad ng mga utang at pagkaubos ng kanilang reserbang pera na humantong sa kakulangan ng pagkain, gasolina, gamot, at kuryente, pagsasara ng mga paaralan, trabaho at pagbibitiw ni Sri Lanka President Gotabaya Rajapaksa.
Idiniin ni Secretary Diokno na palaging maingat sa pangungutang ang DOF kung saan ang mga hiniram na pera ay may pinakamababang posibleng interes at mapapamahalaan pa.
Binanggit din ng kalihim ang mga batas sa reporma sa buwis tulad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act na “kritikal” upang mapanatiling nakalutang ang ekonomiya ng bansa sa gitna ng pandemyang COVID-19.
Sa katunayan, dahil sa Train law at iba pang batas ukol sa buwis, tumaas ng mahigit P68.4-B ang kita noong 2018, P134.7-B noong 2019, P144-B sa 2020 at P228.6-B noong 2021 ayon sa ulat ng DOF nitong Mayo 2022.
(Andrei Canales | La Verdad Correspondent)