Naaksidenteng motorcycle rider sa Maynila, tinulungan ng UNTV News and Rescue Team

by Radyo La Verdad | September 2, 2016 (Friday) | 1623

JERICO_TMBB
Nakahandusay sa kalsada ng madatnan ng UNTV News & Rescue Team ang isang motorcycle rider nang maaksidente ito sa northbound lane ng Nagtahan Flyover sa Sta. Mesa, Maynila kaninang madaling araw.

Dahil sa nangyaring aksidente halos hindi makausap nang maayos ang pasyente na kinilalang si John Anthony Evangelista na residente ng Sta. Cruz, Manila.

Nagtamo ito ng ilang sugat at gasgas sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Bagaman nakasuot ito ng helmet, nagkaroon ito ng bukol sa noo at pamamaga sa pisngi.

Agad na nilapatan ng paunang lunas ng UNTV Rescue si Evangelista at saka dinala sa Philippine General Hospital.

At dahil hindi makausap ng maayos, sinadya ng grupo ang bahay nito sa Sta. Cruz, Maynila upang ipagbigay alam sa kaniyang kamag-anak ang sinapit ng biktima.

Agad naman sumama ang kaanak nito pagbalik sa ospital.

Ayon sa otoridad, posibleng nawalan ng control si Evangelista nang sumampa ang minamaneho nitong motorsiklo sa center island habang binaybaybay ang north bound lane ng naturang flyover.

Ayon sa mga tauhan ng MMDA, nakainom umano ang pasyente dahil amoy alak ito nang kanilang lapitan.

Ito rin umano ang posibleng dahilan kaya ito naaksidente.

Samantala, dinala na sa Western Traffic Enforcement District ang motorsiklo ni Evangelista.

(Jerico Albano / UNTV Correspondent)

Tags: ,