MWSS, nanindigan na hindi muna dapat magpatupad ng dagdag singil sa tubig

by monaliza | March 13, 2015 (Friday) | 2042

WATERMWSS 031315

Kahit naipanalo ng Maynilad ang kaso sa international arbitration panel ang hiling nito na dagdag singil, nanindigan ang MWSS na hindi muna ito dapat maipatupad

Ayon sa chief regulator ng MWSS na si Joel Yu, kailangan pa rin nilang maghain ng mosyon sa local court bago pagbigyan ang kanilang kahilingan

Subalit imbes na maghain ng mosyon sa korte, ginamit ng Maynilad ang tinatawag na performance undertaking upang singilin na lamang sa pamahalaan ang kabuuang halaga ng dagdag singil na dapat sana ay taumbayan ang papasan

Ang performance undertaking ay isang garantiya ng pamahalaan na ang ahensya ng Estado na kasama sa isang proyekto ay susunod sa lahat ng mga obligasyon nito sa kontratista, na karaniwan ay isang pribadong kumpanya gaya ng Maynilad

3.44 billion pesos ang hinihingi ng Maynilad sa Department of Finance bilang kabayaran sa mga panahon na hindi nagtaas ng singil sa tubig ang kumpanya

Naniniwala ang MWSS na walang batayan ang hinihingi ng Maynilad at pinaubaya na nito ang desisyon sa Department of Finance

Ayon sa MWSS, kung gusto bawiin ng Maynilad ang kanilang pagkalugi, maaari naman nila ito mabawi hanggang sa matapos ang concession agreement sa taong 2037 o di kaya’y sa loob ng limang taon na kung saan pwede sila mag adjust ng kanilang taripa

Ayon naman sa Maynilad, kailangang panindigan ng Department of Finance ang nakasaad sa concession agreement at sundin ang nakasaad dito. May pagasa namang makuha ng Maynilad ang 3.44 billion pesos, kung ito ay pagbibigyan ng pamahalaan. (Mon Jocson/UNTV News Correspondent)

 

Tags: , , ,