Murang kuryente bill, pasado na sa bicameral conference committee

by Radyo La Verdad | March 8, 2019 (Friday) | 2719

METRO MANILA, PHILIPPINES – Makatitipid ang isang consumer ng limampung piso kada buwan sa kanilang electricity bill sakaling maging ganap na batas na ang murang kuryente bill sa unang taon pa lamang ng implementasyon nito.

Ang panukalang batas ay direktang makatutulong sa mga consumer upang mabawasan ang singil sa kuryente.

Ito ay sa pamamagitan ng paggamit ng mahigit 200 billion peso-malampaya fund bilang pambayad sa utang ng National Power Corporation o NAPOCOR para sa Stranded Contract Cost (SCC) at Stranded Debts (SD).

“Makikita natin sa ating electricity bill meron duon universal charge for stranded cost and stranded debts, so yun mawawala ka agad yung buong universal charges,” ani Sen. Sherwin Gatchalian, Chairman, Senate Committee on Energy.

Ayon naman kay Rep. Lord Allan Velasco, Chairman ng House Committee on Energy, “And incase magkaroon ng increase, wala na pong increase, because this murang kuryente act already shouldered yung lahat ng increases na projected ng PSALM (Power Sector Assets & Liabilities Management Corporation).”

Uutay-utayin ang pagbabayad sa utang ng NAPOCOR na umabot na sa 466 billion pesos.

Sa unang implementasyon ng murang kuryente act, makatitipid ang isang ordinaryong tahanan na gumagamit ng 200 kilowatt hour ng tinatayang hanggang limampung piso kada buwan.

Nasa 170 hanggang 200 pesos ang matitipid ng isang pamilya sa kanilang buwanang electricity bill.

Lahat ay sasakupin ng panukala, mapa-residential, commercial o industrial ang koneksyon ng kuryente.

Sa pagbabalik sesyon ng kongreso sa Mayo ay inaasahang mararatipikahan ang murang kuryente bill. Pagkatapos nito ay pirma na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hihintayin upang ito ay maging ganap na batas.

(Nel Maribojoc| UNTV News)

Tags: ,