Batay sa Akamai State of the Internet reports, mula 2011 hanggang 2015, Pilipinas ang pangatlo sa may pinakamabagal na internet sa Asya, pangalawa ang India at nangunguna ang Indonesia.
Pumapangalawa naman ang Pilipinas sa may pinakamahal na internet service sa mga Asean country batay sa pagaaral ng Ookla noong 2014
Ang isang giga byte na data ay nagkakahalaga ng mahigit 7 dollars sa Pilipinas at Singapore, subalit 2.8 mbps lang ang bilis sa Pilipinas kumpara sa Singapore na umaabot ng halos 100 mbps.
Hinihiling ng mga business group sa bansa, isa alang alang ng susunod na administrasyon na mapabilis at gawing abot kaya ang internet service.
Ayon sa Internet Society of the Philippines, iilang kumpanya lamang ang kumokontrol sa internet service kung kaya wala halos kompetisyon sa merkado.
“Yung internet na galing abroad na dumadating dito sa landing stations marami naman yun at mura pa, ang problema pag pumasok sa Pilipinas kailangang dumaan ng internet na yun sa dalawang higanteng telco it’s either PLDT group o Globe at dun tumataas ang presyo.” Ani ni Mr.Winthrop Yu.
Ayon sa internet society, masosolusyunan ito kung magkakaroon ng tinatawag na open access.
Sa ngayon, maraming internet provider sa labas ng bansa ang gustong pumasok sa Pilipinas subalit nahahadalangan dahil sa mga regulasyon.
(Mon Jocson / UNTV Correspondent)