Muntinlupa Court, hindi pinagbigyan ang hiling ni Sen. De Lima na i-disqualify ang ilang testigo ng prosekusyon

by Radyo La Verdad | October 2, 2018 (Tuesday) | 10937

Hindi pinagbigyan ng Muntinlupa Regional Trial Court ang hiling ni Senator Leila De Lima na ma-disqualify ang labintatlong testigo ng prosekusyon sa kanyang drug-related case.

Sa 3-pahinang kautusan ni Judge Lorna Navarro Domingo ng Muntinlupa RTC Branch 206, nakasaad na walang basehan ang mosyon ni De Lima na huwag patestiguhin ang mga inmates ng Bilibid na kinabibilangan nina Peter Co at Herbert Colanggo.

Paliwanag ng korte, batay sa panuntunan ng paglilitis, hindi dahil convicted na sa sari-saring mga kaso ang mga inmate ay hindi na sila pwedeng maging state witness.

Magugunitang ipinatatanggal ni De Lima bilang testigo ang mga inmate dahil sa umano’y kawalan ng kredibilidad ng mga ito.

Samantala, muling ipinagpaliban ang paglilitis sa kaso ni De Lima kanina dahil bigong makarating ang mga abogado ng kanyang mga kapwa-akusado na sina Ronnie Dayan at Joenel Sanchez.

Nag-ugat ang kaso ni De Lima sa umano’y pakikipagsabwatan nito sa mga bilanggo sa New Bilibid Prison upang magbenta ng iligal na droga.

 

 

 

Tags: , ,