Multang 500 hanggang 2 libong piso, ipapataw ng LTFRB sa mga PUV driver na walang taripa

by Radyo La Verdad | June 14, 2018 (Thursday) | 4072

Sorpresang ininspeksyon kahapon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga jeep na bumibiyahe sa tapat ng Rizal High School sa Pasig City.

Layon nito na masubok kung talagang ipinatutupad ng mga public utility driver ang twenty percent discount sa pasahe ng mga estudyante. Karamihan sa mga pinarang jeep, nagbibigay naman ng discount.

Subalit natuklasan ng LTFRB na may ilang mga jeep pala ang gumagamit ng lumang taripa habang ang iba naman ay hindi nakapaskil. Mismong si LTFRB Chairman Martin Delgra pa ang nakahuli sa mga driver na walang taripa.

Sa ilalim ng panuntunan ng LTFRB, kinakailangan na makita ng mga pasahero ang kopya ng fare matrix sa loob ng bus o jeep.

Ang fare matrix o taripa ang nagsisilbing giya ng mga pasahero kung magkano ang pamahasahe na dapat nilang ibayad.

Babala ng LTFRB, papatawan ng limang daang hanggang dalawang libong pisong multa ang alinmang PUV na lalabag dito.

Samantala, isang UV Express van at motorsiklo rin ang inimpound kahapon matapos ang isinagawang anti-colorum operations ng I-Act.

Napag-alaman ng mga otoridad na walang CPC ang UV Express, habang driving without license naman ang paglabag ng driver ng motorsiklo.

Bukod sa mga colorum, isa pang UV Express ang nasita ng I-Act dahil walang body markings ang minamanehong sasakyan.

Sa tala ng Department of Transportation (DOT), umabot na mahigit dalawang libong colorum na mga PUV ang nahuli ng I-Act simula pa noong Hulyo 2016 hanggang Abril ngayong taon.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,