Muling pagsasagawa ng National Vaccination Drive, pinag-aaralan ng pamahalaan kapag bumaba ang COVID-19 cases

by Radyo La Verdad | January 20, 2022 (Thursday) | 836

METRO MANILA – Matagumpay na nakapagsagawa ang bansa ng 2 mass vaccination drive.

Inihayag ni Acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles na pinag-aaralan ng pamahalaan ang muling pagsasagawa ng national vaccination drive kung hindi makakamit ng pamahalaan ang target vaccination nito sa first quarter ng taon.

Ayon naman kay Presidential Adviser for COVID-19 Response Vince Dizon, hinihintay lamang na bumaba ang mga kaso ng COVID-19 BAGO muling magsagawa ng massive vaccination drive.

“Hinihintay lang po natin na medyo humupa-hupa nang kaunti itong Omicron surge natin dahil alam naman po natin hirap na hirap po ang ating mga health worker, ang ating mga LGU ngayon. So pahuhupain lang po natin ng kaunti, magkakaroon din po tayo sa mga susunod na linggo ng bagong ‘bayanihan bakunahan’ o national vaccination days natin sa buong bansa.” ani Presidential Adviser for COVID-19 Response Sec. Vince Dizon.

Samantala, hangga’t maaari, dapat ikonsidera lamang ng pamahalaan ang mandatory COVID-19 vaccination bilang last resort o huling hakbang sa laban kontra pandemiya.

Ayon sa Commission on Human Rights (CHR), ito ay kung talagang kinakailangan at angkop upang maabot ang herd immunity at pagbibigay ng proteksyon sa pinaka-vulnerable sa virus.

Dagdag pa nito, makatwiran lamang ang sapilitang pagbabakuna at iba pang coercive measures kung matitiyak nitong maiiwasan ang matinding banta ng kamatayan, maisusulong ang public health benefits at kung nagawa na ang lahat ng nararapat na hakbang upang maproteksyunan ang kalusugan ng publiko.

Sa ngayon, dapat munang matugunan ng pamahalaan ang dahilan kung bakit may iba pa ring nagdadalawang-isip na magpabakuna.

Nakabinbin pa sa kamara ang panukalang nagsusulong ng mandatory COVID-19 vaccination samantalang ipinatutupad na ang vaccine o COVID-19 test requirement sa on-site workers sa pampubliko at pribadong sektor.

Bukod dito, nililimitahan na rin ng ilang lokal na pamahalaan ang mobility ng mga di pa bakunado kontra COVID-19.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: