Muling pagpapatupad ng odd even scheme, pinag-iisipan ng PNP-HPG

by Radyo La Verdad | September 8, 2016 (Thursday) | 2564

PNP-Highway-Patrol-Group--Chief-Col.-Antonio-Gardiola
Naniniwala ang Philippine National Police High Way Patrol Group na ang implementasyon ng odd even scheme ay isa sa mga epektibong paraan upang maibsan ang matinding traffic sa Metro Manila.

Ayon kay PNP Highway Patrol Group Chief Col. Antonio Gardiola, malaking tulong ang odd even scheme upang mabawasan ang bilang ng mga sasakyan sa mga kalsada.

Gayunman, nangangailangan pa rin aniya ito ng masusing pag-aaral bago ang implementasyon ng sistema.

Sa datos ng Metro Manila Development Authority, noong 2015, nasa halos three hundred seventy thousand na ang volume ng mga sasakyan na bumabaybay sa EDSA kada araw.

Tumaas ito ng mahigit sa dalawang porsyento kung ikukumpara sa bilang ng mga sasakyan noong 2014.

Sa ilalim ng odd even scheme, tatlong araw na hindi makakabiyahe ang mga sasakyan na may plakang nagtatapos sa even at odd numbers.

Taong 1990, nang unang ipatupad noon sa Metro Manila ang odd even scheme, bilang solusyon sa matinding traffic.

Subalit pagsapit ng taong 1995, pinalitan ang sistema, at ginawang unified vehicular volume reduction program o mas kilala sa tawag na number o color coding scheme na umiiral pa rin hanggang sa kasalukuyan.

Kamakailan lamang ay sinimulan nang ipatupad sa Pasig City ang odd even scheme sa ilang malalaking kalsada sa lungsod.

Sa ilalim ng kautusan, bawal na bumiyahe ang mga sasakyang may plakang nagtatapos sa 0,2,4,6 at 8 tuwing araw ng Lunes, Miyerkules at Biyernes.

Habang ang mga sasakyan naman na may plakang nagtatapos sa 1,3,5,7 at 9 ay hindi makakabyahe sa mga araw ng Martes, Huwebes at Sabado.

Hindi naman sinang-ayunan ng PNP-HPG ang ideya na maaaring magresulta ito sa mas maraming bilang ng mga sasakyan dahil posibleng madagdagan pa ang bilang ng mga nagnanais na makabili ng mga sasakyan.

Una ng inihayag ng MMDA na sang-ayon din sila sa panukalang pagbabalik ng odd even scheme upang masolusyunan ang matagal nang problema sa traffic.

(Joan Nano/UNTV Radio)

Tags: ,