Halos isang buwan nang inaapula ng mga bumbero ang wildfire sa Southern California. Ngunit ayon sa ilang fire personnel, malapit nang makontrol ang “Thomas Fire” at ngayon ay nobenta y dos porsyento nang contained.
Ngunit matapos ang wildfire, pinangangambahan naman ng mga residente sa lugar ang pagkakaroon ng mudslide, ito ay dahil nasunog na ang halamang nagpoprotekta laban sa pagguho ng lupa at natira na lamang ang makapal na abo na posibleng mabilis na madala ng tubig kapag nagsimula na ang pag-ulan.
Ayon sa ilang nakatira sa paanan ng bundok, nasa sampung talampakan lamang ang kapal ng lupa sa ibang lugar at sa ilalim nito ay mga malalaking bato. Kaya naman malaking problema kapag gumuho ang mga ito.
Katulad na lamang ng nangyari noong 2014 sa Santa Barbara at Ventura County, kung saan pagkatapos isang malaking brush fire ay nagkaroon naman ng rockslide na tumabon sa labing apat na bahay.
Ang Thomas Fire na tinaguriang pinakamalaking sunog sa kasaysayan ng California kumpara sa mga nakaraang sunog simula pa noong 1932.
Nagsimula ito noong Disyembre 4 na naging sanhi ng pag-eevacuate ng hindi bababa sa 50,000 katao, nagwasak ng 1,063 na mga istruktura at nagsunog ng halos 281,893 ektarya ng mga puno at pananim.
( Kalvin Manaig / UNTV Correspondent )
Tags: malaking wildfire, mudslides at rockslides, Southern California
The Philippine Broadcast Hub
UNTV, 915 Barangay Philam, EDSA, Quezon City M.M. 1104
Radyo La Verdad © All Rights Reserved 2019
+632 8 442 6254 | Monday – Friday, 8AM – 5PM | info@radyolaverdad.com