144 na panabong na manok mula California, pinatay ng DA

by Jeck Deocampo | October 22, 2018 (Monday) | 20222

METRO MANILA, Philippines – 144 game fowls o mga manok na panabong na iligal na ipinasok sa bansa mula sa California, USA ang pinatay sa pamamagitan ng euthanasia chamber ng Department of Agriculture (DA) sa compound ng Bureau of Animal Insdustry noong Sabado.

 

Pagkatapos na mapatay ay ibinaon ang mga ito sa malalim na hukay upang hindi na mapakinabangan o mahukay ng ibang hayop na maaaring makapag-transfer ng sakit. Pinatay ng DA ang mga panabong dahil sa posibilidad ng pagkakaroon ng mga ito ng New Castle Disease (NCD) dahil may outbreak ngayon ng naturang sakit sa Southern California.

 

Ang mga game fowl na ito ay ipinasok sa bansa noong October 10 ngunit hindi nailabas sa warehouse ng NAIA dahil walang health certificate mula sa US Department of Agriculture. Binigyan ng 10 araw ang broker upang makapagpakita ng naturang dokumento.

 

Pero ipinagutos na rin ng kalihim ang pagpatay sa mga manok. Ayon pa sa kagawaran, pansamantalang ipinag-utos ni Agriculture Secretary Manny Piñol ang pag-ban sa pag-iimport ng mga manok mula sa Southern California upang hindi maihawa ng sakit ang mga poultry sa Pilipinas.

 

Ayon sa OIC-Director ng DA na si Dr. Ronnie Domingo, “Naglabas na po yung ating Secretary of Agriculture na ban. Bina-ban po natin ang pagi-import sa isang parte ng Etados Unidos sapagkat nagkaroon po ng report dito ng outbreak ng New Castle Disease.”

 

Samantala, iginiit naman ng broker ng mga game fowl na dati na siyang nakakapagpasok ng mga manok kahit wala ang health certificate dahil hindi naman aniya ito kasama sa requirement. Aminado naman ang DA na dati ay may mga nakakalusot na iligal na shipment sa bansa, ngunit ngayon ay naghigpit na umano sila.

 

(Asher Cadapan | UNTV News)

Tags: , , , , , ,