Mt. Inayawan Range sa Lanao del Norte, isa sa mga nominado para sa ASEAN Heritage Park

by Radyo La Verdad | December 27, 2021 (Monday) | 711

Pasok ang Nunungan Lake sa Mt. Inayawan Range Natural Park sa mga nominado bilang isa sa ASEAN Heritage Park (AHP) kasunod ng ginawang pagbisita ng ilang tauhan ng ASEAN Centre for Biodiversity (ACB) nitong Disyembre 13 hanggang a-15 sa Lanao del Norte.

“Optimistic kami na pasok na kasi doon pa lang sa press conference namin, pasok na. It is a matter of document na lang. Nagbase kami sa feedback nila. Puro magaganda iyong mga feedback,” ayon kay Nunungan Municipal Mayor Marcos Mamay.

Dagdag pa ni Mamay, personal itong binisita ng ilang arkitekto mula pa Cambodia upang maisagawa ang advance development sa naturang lugar at ituloy ang ginawang proposal.

Uunahin din na ilagay doon ang mga cable car at zip lines kung maaaprubahan ang P40-million budget para sa electrification ng mga ito habang nakatakda namang itayo sa paligid ng lawa ang circumferential road para sa traithlon kung saan bubuuhin sa pamamagitan ng ilang ‘group of developers’ mula Davao City.

Kilala ang Mt. Inayawan bilang protected area at last frontier ng probinsya na may 3,500 hektaryang land area at 1,365 above sea level.

At kung official recognized na ito, magsisilbi itong ika-sampung AHP ng Pilipinas.

(Myrveiña Natividad | La Verdad Correspondent)