MRT, nakatanggap ng bomb threat kaya naghigpit ng seguridad

by Radyo La Verdad | February 9, 2019 (Saturday) | 15542

Manila, Philippines – Ipinatupad ng MRT ang pagbabawal ng liquid items sa bawat istasyon matapos ang dalawang pagsabog sa Jolo Sulu at Zamboanga City.

Inulan ito ng batikos dahil maraming nainis sa pagkukumpiska ng mga inuming tubig, juice, pabango, alcohol at lotion.

Paliwanag ng Department of Transpotation (DOTr), ginagawa lamang ito upang maging ligtas ang mga milyun-milyong pasahero na sumasakay kada araw.

Inamin nilang nakatanggap sila ng bomb threat sa pamamagitan ng tatlong email noong Enero 3 kaya naghigpit sila ng seguridad.

Ayon kay DOTr Assistant Secrectary for Communications, Goddess Hope Libiran, pinag-aralan ng Office of the Transportation Security ang naturang polisya upang masiguro na walang makakalusot na pampasabog sa mga tren.

“Gusto kasi talaga naming protektahan yung kanilang safety and security, kaya nga sinasabihan kaming ng maging OA na kami at malusutan kami ng isang terrorista na kayang pumatay ng libo-libong tao,” ani ni Libiran.

Dagdag pa ng MRT management, ipinagbabawal nila ang liquid items dahil maaaring ihalo dito ang liquid bomb na nagtataglay ng Nitroglycerin na kahalintulad ng ginagamit sa mga dinamita. Hindi ito madaling matukoy kapag inilagay na sa bote ng mga pabango, lotion at anumang uri ng container.

Ganito rin ang naging opinyon ng security expert na si Mike Laosantos. Ayon kay Laosantos, maraming mga liquid bombs ang halos kahawig ng tubig. “Meron kasing mga liquid form of explosives na halos kamukha ng tubig at halos kamukha ng pabango kaya minsan hindi natin made-determine kasi meron nang mga pampasabog na halos wala ng amoy, minsan kino-conceal nila yun as mineral water, kino-conceal as perfume,” ani ni Laosantos.

Pinapayagan naman ng MRT management na ipasok ang breast formula milk gayundin ang tubig para sa mga pasaherong may kasamang sanggol o mga bata.

Pinahihintulutan na rin ipasok ang mga gel o liquid na gamot. Pwede ring magdala ng tubig, juice at iba pang klase ng inumin ang mga pasahero depende sa kanilang medical condition.

Maaari pa rin namang mabawi ng mga pasahero ang mga nakumpiska na liquid item. Kinakailangan lamang nilang mag-iwan ng I.D at cellphone number sa Information o Help Desk sa mga istasyon upang makuhang muli ang kanilang gamit bago umuwi.

Binabalangkas na ng Office of the Transportation Security and Guidelines na ipapatupad sa MRT, LRT at PNR kaugnay ng bagong security protocol kontra sa banta ng terrorismo.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: , , ,