MRT General Manager Rodolfo Garcia, pinag-iisipang magbitiw sa pwesto dahil sa pressure

by Radyo La Verdad | February 1, 2018 (Thursday) | 2980

Nagkainitan kahapon sina MRT-3 General Manager Rodolfo Garcia at House Speaker Pantaleon Alvarez sa pagdinig ng House Committee on Transportation kaugnay ng mga isyung kinakaharap ng MRT.

Hindi napigilan ni Garcia na sigawan si Alvarez matapos nitong kwestyunin ang kanyang kakahayan sa pagsasa-ayos ng operasyon ng mga tren. Paliwanag ni Garcia, isa sa kanyang mga tinututukan ang testing sa 48 Dalian trains.

Aniya, 4 na sa mga ito ang kayang patakbuhin at maari nang magamit ng mga pasahero, bagay na tinutulan naman ni Speaker Alvarez.

Sa gitna ng mainitang pagtatalo, tinangka pa ni Garcia na magwalk-out, subalit pinigilan siya ng ilang congressman.

Ipinagtanggol naman ng mga mambabatas ang house speaker at iminungkahi na i-cite for contempt si Garcia dahil sa naging asal nito.

Nahimasmasan naman si Garcia matapos kausapin ni House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas. Agad ding humingi ng paumanhin kay Alvarez ang MRT general manager. Dahil dito, binawi na ng mga mambabatas ang pagpapa-contempt kay Garcia.

Nang muling tanungin ni Alvarez kung seryoso si Garcia sa kanyang pagbibitiw sa pwesto, sinabi nito na nabigla lamang siya sa kanyang unang naging pahayag.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,